Maria Clara: tama nga ba? Babae. Wag kang magpakulong sa konsepto na inihahain ng lipunan sayo. Isa kang dalisay na simbolo sa bawat makatang may ginintuang ulo. Mahinhin. Nakasaya. Walang sariling paniniwala at karapatan sa lugar na kinasadlakan. Isang imaheng nabahiran ng pulang dugo mula sa mga kamay ng mga mapanupil na dayuhan. Gabi- gabi’y pinagsasamantalahan sa kaliwang sulok ng eskinitang walang tigil ang pagpatay sindi ng ilaw, ginagahasa ng mga sumisilip na pagkakataon, binabaliw at inaalipin ng mga dumadaang panahon. Naghanap ako ng ideya sa mga naisulat ko nang mga letra. Kulang ito ngunit may saysay at kulay. Mga kulay na tumatangis sa kawalan ng kalayaan. Ang kulay ng regla ng mga nagpuputa ay makikita sa naghihinagpis nilang mga mata, at habang binabansagan si ina bilang Maria Clara ay umiiyak ang kalangitan. Hindi puti ngunit itim. Dala ito ng walang katapusang pagsusumamo ni ina sa mga dayuhan. Akala ko noong una ay sapat na ang katawagang Maria Clara upang manatili ang pagiging dalisay ng isang dalaga. Hindi pala. Hudyat na pala ito para sa isang nakabibinging katahimikan.. Tila isang ibong hindi makawala si Maria Clara. Walang karapatan. Walang karapatan. Wala.. Tanging pagsisilbi sa ama ang dapat matutunan. May sukat ang pananalita. Bawal sumobra. Napakahirap na responsibilidad. Mabigat sa kalooban. Ssshh.. Wala kang karapatan. Masakit isiping ang iyong ina’y pinalitan ng pangalan, tinaggalan ng karapatang magsalita, humusga at magpahayag. Hanggang kailan ka iiyak at mananahimik? Hanggang kailan ka magmamakaawa? Nagbakasakali akong muli sa aking mga letra. Maaaring may ideya na sila sa kung anong nangyari sa karapatan ng aking ina. Malabo.. Pero hindi na kasing pula ng regla. Nakita ko si Maria Clara sa lansangan. Lumuluha, naglalakad.. Sukbit ang lumang supot na may mga damit ay akay- akay niya ang tatlo pang supling na uhugin na walang muwang kung saan sila dadalhin. Sa aking pagliliwaliw, nakita kong muli si Maria Clara. Suot ang kanyang pinakamagandang ngiti at hapit na hapit na mga damit, nilapitan niya ang lalaki sa aking likod. Sumakay ng taksi at nawala na parang bula. Puta, tsismosa, katulong at labandera.. Hindi pa pala tapos mamalimos ng kalayaan sa Maria Clara. Ssshh.. Wala ang karapatan. Ika- labingtatlo ng Pebrero taon isang libo siyam na raan siyam na pu’t siyam. Isinilang ako hindi para magbingi-bingihan. Natuto akong magsulat. Magsulat ng walang alinlangan. Isang sulat na magpapalaya sa nahihirapan kong ina. Sa mga babaeng paslit na hindi na sisikatan ng araw. Sa mga babaeng sumubok magbigay ng panandaliang aliw at patuloy na kumakapit sa patalim, ang paggamit ko ng pulang tinta ay hudyat ng pakikiisa sa pag-aalsa. Pag-aalsa upang matapos na angh pagbubulag-bulagan. Pagbubulag-bulagang hindi kailanman dapat maranasan ng isang pilipina. Panahon na para matulog ina. Hindi mo na kailangan magbenta pa ng katawan. Hindi ka na iiyak. Wala narin ang latay sa iyong katawan na dulot ng lubid ni ama. Tapos na ina. Maaari ka ng mamahinga.







