Walang importante sa mga sunod ko pang isusulat. Huwag mo na basahin pa. Kanina, napagtanto ko ang ilang bagay. Sa lipunang katulad nitong kinagisnan ko, mahirap nga makipagsabayan sa indayog nito lalo pa’t magulo ang tugtog. Mapanuri. May dapat sundin. Ang hirap. Ewan ko kung paano mo titignan basta ako nahihirapan. Alam kong hindi tayo pareho at huwag mo nang tangkain na gayahin pa ako. Hindi ka lalago ‘pag ako ang kasama mo. Kapag ba sinabi kong ako ang sambahin mo, papayag ka? Maaari, pero hindi ko gagawin ‘yon kahit na kating- kati na ang aking bibig sa pag-uutos at pagmumura sa mga utak alikabok na mga taong kagaya mo. May tanong ako, pero huwag mo nang ituloy basahin kung tinatamad ka rin lang. Ilang beses mo na bang tinalon ang pader ng eskwelahan ninyo para takbuhan ang titser mong masungit? Ilang beses ka na ba natulog sa hindi mo bahay? Hindi mo na mabilang. Alam ko, dahil mga bote ng alak at mga kaha ng sigarilyo na madalas mong itago sa ilalim ng papag ni Inang tuwing paparating siya ang tanging makakasagot niyan. Sila ang saksi sa lahat ng iyong kalokohan. Kung ako naman kasi ang tatanungin, tama lang ang mga ganyang gawain. Nakakatakot ngunit nakakapanabik gawin ulit. Sabi ko sayo, huwag mo na ngang basahin. Baka ako ang latiguhin ng nanay mo kapag nalaman niyang binabasa mo pa ito. Isa lang naman talaga ang gusto ko sabihin. Buksan mo ang mga mata mo. Lagyan mo ng tutpik kung gusto mo para lamang hindi ito sumara sa katotohanan. Huwag mo silang sundin, gumawa ka ng sarili mong batas, limitahan at huwag kalimutang makipagkasundo sa iyong sarili. Ang salitang pag-ibig para sa sa iilan ay unibersal at uri ng emosyon. Para sa akin, ang pag-ibig ay isang uri ng pagkain. Gusto kong kumain ng pag-ibig. Kakaiba?Hindi. Wala kang batayan para sabihing mali ako. Sumasamba ko sa mga puta. Ang kaluluwa ko’y nakakulong sa bote ng alak na nasa may bodega. Panginoon ko ang aking sarili. Huwag mo akong husgahan. Sa aking mundo, ako ang batas, ako lamang ang tama at ako ang taong-bayan. Hindi ako maituturing na isang kaibigan, hindi rin isang kaaway. Isa akong kakilala na magpapasalamat kung patuloy kang malulungkot at magsasawa sa buhay, lalo na kung susubukan mong pigilan ang iyong paghinga. Bakit ko ito sinasabi? Una, dahil wala akong pakialam sa nararamdaman mo. Pangalawa, hindi ka parte ng katawan ko. Pangatlo, hindi ako magugutom sa ginagawa mo at paghuli, hindi ikaw ako. Gawin mo ang gusto mo. Kalimutan mong may humihinga sa tabi mo, dahil ikaw at ang isip mo lamang ang siyang magpapasya ng kasiyahang gusto mo. Hindi ako at lalong hindi ang buhok ko. Masyado pang malabo ang lahat ng bagay para sa akin kung kaya ayaw ko ring maniwala ka sa akin, dahil mismong ako hindi ko ito pinapaniwalaan. Gusto kong magpa-alipin at maghanap ng ibang sasambahin pero dahil isip ko ang nagsabi nito, parte ng aking pagkatao, susundin ko ito habang hindi pa tumatalong ang plakang pinatugtog kahapon. Walang kasiguraduhan ang mga binitiwan kong mga salita, wala rin akong balak na ipagawa ito sayo. Isip ko ito. Imposibleng magkatulad tayo. Gumawa ka ng para sa sarili mo. Lokohin mo ang sarili mo. Ewan ko. Kung binabasa mo parin ito, wala na kong magagawa. Tapos na, alam kong nainis ka lang. Ako rin naman. Wala kang nabasa dahil wala akong sinulat. Nakita mo lamang ang aking isip, inintindi sa kabila ng pagpapanggap para tanggapin at itakwil ang lipunang ang sentro ay kahambugan.
Leave a Reply