Sulat ni Elena

Siyam na taon lamang ako noon nung lumipat kayo sa syudad. Ikaw,ang mga kapatid ko at isang mong kaibigan. Naiwan ako sa nayon kasama sila lola. Ayos lang sakin yun, naiwan naman ako kasama ng iba ko pang pinsan at sabi mo babalikan mo ko pagtapos kong mag- aral, dadalaw ka rin palagi. Kamag- anak ko sila pero nakuha nila kong laruin. Ilang beses nga ba? Isa? Dalawa? Tatlo? Hindi ko na alam. Itinago ko nalang yun sa sarili ko. Gusto ko na lamang magmura. Tuwing may pagkakataon tumatakbo ako sa tabi ni lola pero papagalitan lamang sa huli dahil nagugulo ko ang tinatahi niya. Hindi ako maintindihan ni lola. Hindi ko rin maintindihan si lola. Nakakatawa noong una dahil hindi kami pinapayagang magsuot ng salawal tuwing ordinaryong araw. Dagdag lamang daw ito sa maruruming damit na aming lalabhan. Kinailangan ko ring makisalo sa pagkain ng aking pinsan sapagkat hindi rin kami pinapayagang gumamit ng tigi-isang plato. Mahirap intindihin si lola. Ayaw ko nang intindihin pa si lola. Ang pagtulog tuwing tanghali ay ginagawa ko na simula pa lamang, hindi dahil gusto kong makipaghabulan sa labas tuwing hapon kundi para makabawi ng tulog. Nagmistulang araw na ang mga gabi para sa akin simula ng manirahan sila lola sa bayan malapit sa palaruan. Doon sa bayan, dagsa ang tao sa tuwing sasapit na ang dilim kasabay noon ang pagdantay ng pamalong kahoy ni lola sa aming katawan kapag hindi pa kami nahihimbing. Ilang beses naring nahuli ni lola ang mga mata kong nakabukas pa. Hindi niya alam antok na antok na ako ngunit pilit lang na binubuksan ng mga luha ang mata ko. Gusto ko nang sumigaw dahil sa sakit na nadarama tuwing pinapasok na ni kuya ang kamay niya sa loob ng suot kong shorts. Hindi lamang luha ang gumigising sa akin,ang nagmamadaling pintig ng aking puso rin. Alam kong doon nagsimula ang lahat at hindi magtatapos ng ganoon na lamang. Hindi ito matatapos. Hindi. Malabo na ang mga sumusunod na pangyayari tuwing tatabihan ako ni kuya. Hindi ko na maalala yung kasunod basta alam ko tatakbo ako sa higaan ni tita para sumiksik. Mabuti na lamang at hindi siya nagigising. Pero ngayon, wala na ang tulog kong tita sa tuwing kinakailangan ko ng masisiksikan, sa tuwing makakaramdam ako ng takot. Umalis siya patungong ibang bansa baon ang pag-asa kong alam niya ang dahilan kung bakit siya nagigising sa umaga na ako ang katabi niya. Masakit. Mahapdi. Gusto ko mang magsalita ngunit walang lumalabas sa akng bibig.

“Matulog ka na. Maaga pa ang pasok mo bukas.” Iyan ang sinabi mo nang minsang dalawin mo ako sa nayon. Sumilip ako sa bintana sa pag-aakalang mauunawaan mo kung bakit ako hindi makatulog. Naroon kayo ni tito nag-uusap sa tapat ng bahay habang naninigarilyo. Akala ko maririnig mo ang hikbi ko. Akala ko alam mong nanggaling na naman si kuya sa kwarto. Akala ko masasabi ko na sayo na masakit ang ‘ano’ ko at gusto ko nang sumama sa iyo sa syudad. Akala ko. Akala ko lang pala yun. Sumama lamang ang loob ko sa sarili ko. Hindi sayo at lalong hindi kay kuya. May isang taon din akong nagtiis sa nayon. Sa ganoong sitwasyon.

Sampung taon na ako noong lumipat kayo sa bayan. Sa pagkakataong ito, kasama na ako. Ikaw, ang bago mong asawa, ang mga kapatid ko at ako. Marami palang nangyari sa loob ng isang taon. Natutunan kong gawing araw ang mga gabi,mahusay na kong makipaghabulan sa aking mga luha at natutunan mo nang mahalin ang iyong kaibigan kung kaya naman ikaw ay nagdadalang-tao na. Akala ko’y doon na magtatapos ang aking paghihirap. Hindi pa pala.

Pagod ka sa tuwing uuwi ka ng bahay galing trabaho kung kaya naman may isang umaga na hindi kita ginising upang asikasuhin ako. Wala pang ilaw ang paliguan ng ating bagong bahay. Madaling araw naman,wala pang gising kung kaya binuksan ko ng malaki ang pintuan at itinaas ang nakatabing na kurtina. Nasa kalagitnaan na ako ng paliligo ng mapansin ko ang bago mong asawa sa aking harapan. Nanunuod sa aking paliligo. Hindi ko alam ang magiging reaksyon ko sa ginawa niyang iyon kung kaya binilisan ko na lamang ang aking paliligo. Umalis akong umiiyak, hindi ko na nakuha pang magpaalam sa inyo.

Pinipigilan ko ang pagtulo ng mga luha ko sa tuwing maaalala ang mga pangyayaring iyon. Masakit para sa akin na hanggang ngayon wala paring nakakaalam ng pangyayaring iyon sa inyo. Tanging ako, ang bago mong asawa, ang pinsan ko, ang bago kong kaibigan at si Gary na minahal ako sa kabila ng lahat ang nakakaalam ng mga nangyari.

Tapos na ang lahat pero nararamdaman ko parin ang sakit. Tapos na nga ang lahat dahil ang tanging natira na lamang sa akin ay pagkamuhi at galit. Tapos na nga. Tapos na. Maaari ko na sigurong ibalik ang mga ngiting ipinagkait sa akin nung ako’y sampu pa lamang. Maaari ko na sigurong sabihin sa iyo ang aking mga hinanakit tungkol sa nangyari kahapon. Maiintindihan na rin ako ni lola, maipapaintindi ko narin sa kanya ang lahat. Babalik na siguro si tita sa nayon at hindi na muling mgatatrabaho sa ibang bansa. Wala na sigurong kasunod pa iyon.Sana nga’y tapos na ang lahat. Makakatulog na ako ng mahimbing simula ngayon.

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on pinterest
Pinterest
Share on email
Email

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *