Marami nang taong nagpaalam,marami narin ang mga bagong kakilala. Bagong estilo,pananaw at pamumuhay. Pero bakit sadyang kay hirap kalimutan ng nakaraan?Marami parin ang nabubuhay sa lumipas na panahon. Pilit inaalala. Pilit binabalikan. At isa nga ako roon. Isa sa mga taong pilit binubuhay ang pait ng nakaraan, pilit na hinahanap ang sagot sa miserableng nakaraan. Bakit kailangan ko pang manalamin sa nakaraan? Bakit hindi ko maiwasan ang mga tao at bagay na naging parte ng aking lumipas? Sana sa pagdaan ng mga araw hindi ko na pipilitin ang sarili ko na alamin pa ang kasagutan. Hihinto na lamang ito sa aking harapan at gigisingin ako mula sa mahabang pagkakatulog.
Bawat halakhak at biruan ay mistulang mga sakit na unti- unting nagpapahina sa akin. Isang bombang nagpapasikip sa aking dibdib. Ako’y bigo. Walang gumising sa akin.
Titigil ang oras. Kung ilang minuto hindi ko na maalala. Kasabay nito ang matulin kong pagtakbo sa kawalan.. madilim.. hindi ko alam kung bakit.. patuloy kong binagtas ang daan patungo sa kung saan. Sana’y sa labi na ito ng isang anghel na waring nangungusap na dapat ko ng buksan ang aking mga mata.
Nagising ako sa sakit. Napuna ko na lamang ang isang munting bagay sa aking tabi. Kumikislap ito na parang isang bituin. Ito na yata ang kasagutan sa ilang taong paghahanap. Pagod na ako kasusunod sa yapak ng kahapon. Wala parin siyang destinasyon.
Nakita ko bigla ang mga kaganapan sa nakaraan. Pabilis ng pabilis. Nakita ko.
Sigawan.. Habulan.. Barilan..
Pilit ko ngang binubuhay ang aking nakaraan. Sa mata ng mga nakakakita, ako’y isang bulag na wala ng pag-asa. Humihinga ngunit patay na. Ang nakaraan pala ang nagpapahirap sa munti kong isipan. Sana bukas pagsikat ng araw, wala na akong problema. Lahat sila’y mananahimik na at iiwan akong masaya. Sana tuluyan ko na ngang talikdan ang pait ng nakaraan at mabuhay sa kasalukuyan.
Maling balikan ang bagay na natapos na. Hindi ito dapat pang maalala. Hindi ito dapat sinasariwa pa. Dapat itong magsilbing aral na kailangang tandaan.
Leave a Reply